Posted by: kidlatanvillage | January 12, 2010

Kuwentong Barangay ng Antoking Tanod

(Mga kabarangay pagbigyan naman natin ang mga tanod na magkuwento nang hindi lang ang kanilang mga batuta ang hinihipo maghapon.)

HA CHA-CHA, PURICO MANTIKA

Bata pa lang kaming mga small nang may tinatawag silang Purico Mantika sa aming baya. Iyong Purico yata ay isang brand ng mantika na uso-uso pa noong araw na pamprito. Lard, ang tawag naman sa ingles di ba? Ang tinutukoy nilang Purico Mantika ay si kuya Hilario, isang kilalang tambay at siya na yata ang pinakatamad na lalaki sa buong barrio (barangay na) kung hindi man ay sa buong bansa.

Ang gusto niya ay lagi siyang busog para makatulog ng mahimbing. Ngunit ayaw naman niyang siya ay lumalapit sa pagkain, gusto niya ang pagkain na lang ang siyang lalapit sa kanya at ngunguyain na lang niya. Kung maari pa ay lugaw na lang ang kinakain nang di na siya maabala pa sa pagnguya. Sayang daw ang oras at marami pa siyang gagawin sa pagtulog. Ayaw niyang mahuli sa mga magagandang kabanata sa kanyang mga panaginip.

“Tamaan ka na lang sana ng kidlat,” ang minsang nasabi sa kanya ng nanay niya dahil sa galit. At pagkamuhi sa kanyang katamaran. Ngunit kung ang mga kapatid niya ang tatanongin ay mas gugustohin na lang nila siyang bangungotin nang hindi na muling magising pa at magdulot sa kanila ng kahihiyan. At least sa kanyang pagtulog naman daw ay naging maligaya siya kahit na ibaon mo pa six feet under the ground.

“O problemang bata iyan, hiyang-hiya na ako sa mga kapit-bahay. Siya na lang ang pinag-uusapan, at tamponan ng biro,” ang himutok naman ng kanyang mabait na ama.

Ngunit sabi nga nila, gaano man kasama ang iyong anak ay hindi mo pa rin siya matitiis. Although may mga anak na matitiis nila ang kanilang mga magulang.

Pero sa lahat ng mga tao sa aming bayan, iisa lang ang nakakaintindi sa kanya. Si Metring. Siya ang pinakamaganda at pinakamatalino sa lahat ng mga dalaga sa buong bayan. Ilang ulit na siyang naging reyna ng kagandahan.

Kaya nang matino-tino pa itong si Purico Mantika ay hindi katakatakang na-inlove siya sa dalaga. Ngunit naging mata-pobre ang mga magulang ni Metring sa kanya. Mga nagmamay-ari kasi sila ng mga malalawak na lupain at isa na ang mga magulang ni Purico Mantika ang nagsasaka para sa kanila.

Alam ito ni Metring. Halos madudurog ang kanyang puso sa hinagpis tuwing maala-ala niya ang mga pangyayaring iyon. Ngunit ano ang kanyang gagawin, alangan naman ilagay niya ang kanyang sarili sa alanganin kung papatulan niya si Purico sa kanyang kalagayan ngayon na parang sinto-sinto. Ngunit konsensiya na lang, siya ang dahilan kung bakit nagkaganito si Purico. Pero kasalanan nga niya ba?

Pero hindi lahat ng araw ay nasa ilalim ka. Ibinaon man in Metring si Purico sa limot kahit binabagabag pa siya ng kanyang konsensiya ay may dumating naman na suwerte sa kanyang buhay. Isang grupo ng mga dalaga at binata ang nag-picnic sa kanilang lugar na nasa tabing dagat at nagkatuwaan maligo sa dagat. Nandoon din sa ibabaw ng isang balsa si Purico, hindi makatulog kaya pinipilit niyang maidlip ang sarili sa pamamagitan ng pagtingin sa mga alon.

Maya-maya may nagsigawan.

“Si Nora, si Nora… inanod ng malakas na alon.”

Walang naglakas loob sa mga binatang kasama ni Nora na sagipin siya. Kahit si Ronald na masugid niyang manliligaw ay ayaw isugal ang buhay. Takot. Sabagay marami na mang ibang babae diyan ang kanyang nasa isip. Mahalaga ay buhay siya. Aanhin mo pa ang bayaning patay, at pakikinabang lang naman ng iba si Nora. Makasariling panuntonan sa buhay.

Ngunit iba kay Purico. Para bagang may nagtulak sa kanya para iligtas si Nora. Hindi pa araw ni Nora ngayon. Mabait ang Panginoon sa kanya at gayun din kay Purico. Buong lakas niyang itinulak sa tubig ang maliit na balsang inuupoan. Nang nasa tubig na ay ginamit naman ang mga paa para pagalawin ang balsa patungong kinaroroonan ni Nora. Si Nora naman ay marami nang tubig na naimom at malulunod na lang siya ng buong giting na talunin at sisirin siya ni Purico upang iligtas.

Sa pampang ay nailabas ni Nora ang mga nainom na tubig sa pamamagitan ng tulong sa kanya ni Purico. Boy scout ito noong araw kaya may kaalaman siya sa pagsagip at pag-apply ng mouth-to-mouth resuscitation sa mga nalulunod.

Napatunganga ang lahat sa nagawang kabayanihan ni Purico. Nagpasalamat sa kanya ang dalaga. Utang niya ang kanyang buhay sa mantika kung gumalaw na lalaki. Ngunit sa pangyayaring iyon ay biglang nagbago naman ang takbo ng buhay ni Purico.

Maraming taon nang nangyari ang insidenteng iyon. Marami nang nagbago. Sa hindi inaasahan ay muling bumalik sa pag-aaral si Purico. Nagtrabaho siya bilang isang menshareo sa araw at nag-aral naman ng kursong Business Administration sa gabi. At pagkaraan ng anim na taong pahirapang pagaaral ay nakatapos din siya. Sa kanyang tagumpay at pagbabago hindi lang ang kanyang mga magulang at kababayan ang natuwa, maging si Nora din.

Nagpakasal sila at nagkaroon ng tatlong anak. Lahat naman ay may natapos na kurso at nagtatrabaho na sa ibang bansa. May asawa na lahat ang kanilang mga anak ni Nora, dalawang babae at isang lalaki.

Mga senior citizens na ngayon ang mag-asawang Purico at Nora at kapwa retirado na. Sa kanilang malaking farm na lang sila namamalagi ngayon kapiling ang kanilang mga Apo.

Si Metring naman ay tumanda nang dalaga. Taglay pa rin niya ang lihim na pag-ibig kay Purico ngunit tanggap na rin niya na hindi sila laan sa isat-isa. Inilaan naman ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos bilang isang madre.

Advertisements

Responses

  1. kuwento lang ito pero ang katamaran ang paksa dito. Marami sa mga Pilipino ang masisipag, marami ding tamad. Tamad nga ba talaga sila o wala lang talagang kakayanan na maging prodaktibo?

    Gusto kong tanuning ito kay Segundina, kultura ba ang pagiging tamad o isang tinatawag nilang attitudinal problem?

  2. Imagine, dahil ginawang salbabida ni Purico ang kanyang taba para kay Nora ay nakatagpo niya ang kanyang soulmate. Sa wakas, na-inspired rin magtrabaho ang tamad, hehehe.

  3. Kaya mare ito ang topic natin sa PI ngayon. Tamad nga ba ang mga Pilipino o nagtatamad-tamran lang.

  4. Ayos itong avatar mare. Gusto ko iyong red background. Lagi kong naalala ang mga mapupulang labi ng misis ko.

    May training siyang ginagawa ngayon para sa mga taga kolekta ng buwis ng gobierno. Hehehe.

  5. Kap nasa isip lang daw ang pagiging tamad. Kapag sinabi mo sa sarili mong tinatamad ka ay talagang tatamarin ka. Kaya may tinatawag na incentive para maging masipag itong mga empleyado.

    Kaso hindi ito magandang paraan para maging masipag ka sa trabaho. Papaano na lang kung wala ka nang matatanggap pang incentive?

    Ewan ko kung may mga tao pa ngayon na motivated sa trabaho dahil sa intrinsic reward.

    Kay Purico, it’s love that changed his perspective in life. Tignan mo nga naman ang nagagawa ng pag-ibig,

    Kaya Seg buksan mo muli ang iyong puso at tumatanda ka nang dalaga. Ilang taon pa ay magsisimula nang mamuti ang mga buhok mo at ang sexy mong katawan ay magiging katawan na rin ng butanding. Hehehehe!

  6. Bakit, hindi pa naman ako huli sa biyahe a. Marami pa diyang pagkakataon Mer. Bakit ikaw, ano pa ang hinihintay mo?

  7. Ako maghahanap din ng batugan katulad ni Purico, pagkatapos kung paibigin at tuturoan ko siyang maging responsabli at masipag na tao.

    Pagkatapos ay sasabihin ko sa kanya na ligawan ka niya para matapos na ang paghihirap mo sa buhay.

    Hahaha!

  8. Seryoso na ito. Sabi ni ate Chi sa PI ay magulang pa rin ang may responsibilidad sa pagpapalaki at pangangaral ng mga anak. Tuturoan nila ang mga ito na maging masipag at masinop sa buhay. Ngayon kung ayaw nilang pakinggang ang kanilang mga magulan ay nasa kanila na iyon.

    Sabagay buhay at kinabukasan nila ang nakataya dito.

  9. Uso pa ba ngayon ang tamad sa Pilipinas? sabagay may punto kayo diyan,biruin ninyo iyung kapitbahay ko sa barangay pumupunta pa ng bayan sa palengke para lang mamili ng talong at talbos ng kamote.

  10. Nasa mga ito ang pag-asa ng mga tamad na Pinoy:

    Kay hirap talagang mamili sa ngayon
    Sa pagdarahop ang sa ati’y mag-aahon
    Sa mga kandidatong pagbabago ang himatong
    Pangakong kaunlaran, magmula pa noon
    Hindi pa yata ipinanganak maging si Limahong.

    May nagsasabing kapag siya ay nahalal
    Sa pamumuno niya’y kikilalanin ang bayan
    Gradweyt sa Harvard sa bar ay namber wan
    Para bagang hindi natin noon ay napakinggan
    Katulad na hirit niyang siya’y pagkatiwalaan.

    Subalit paanong siya ay tatanggapin
    Kung ang anino niya’y kadikit ng salarin
    Buntot ng magnanakaw, timawang sinungaling
    Gahamang nagkanulong sa ati’y umalipin
    Manlilinlang na ganid at kampon ng dilim?

    Ang isa ay nagbanbando ng kanyang nagawa
    Mula pa noong meyor hanggang maging katiwala
    Sa sikat na Subic, sa kagalingan ng madla
    Sa misyon ng Red Cross na inaring kanya
    Maging sa senado’y parang sikat siya.

    Kung galing at nagawa ang pagbabatayan
    Maaaring siya na nga itong kasagutan
    Sa ating malaon ng mga katanungan
    Pag-asang darating nga ba ay kailan
    Sana ay siya na nga ang sasagip sa bayan.

    Ngunit may tanong pang kailangang masagot
    Hindi sa kakayahan niyang paglilingkod
    Bagkus ay ang gagawin sa mga gahama’t buktot
    Sa kaban ng baya’y walang sawang humuthot
    Ano’ng gagawin kapag siya ang naluklok?

    Eto naman ang idolo ng mga masisipag
    Dahil sa tiyaga kaya siya ay umunlad
    Aakayin ang madla na sa kanya ay tumulad
    Huwag daw ikahihiya kung ngayon ay salat
    Dahil darating din ang biyayang hangad.

    Sino nga ang hindi sa kanya ay hahanga
    Kung pag-uusapan ay gawang pagkalinga
    Lalo’t sa kapakanan ng mga manggagawa
    Mga OFW’ng nasa malalayong bansa
    Na kanyang binebentahan ng tirahang magara?

    Dumako naman tayo sa anak ng bayani
    Ng magiting na si Ninoy at nitong si Tita Cory
    Hindi pa man nag-uumpisa’y gisa na sa derby
    Sari saring pukol merong pang galaiti
    Utak daw ng masaker sa asyenda nangyari.

    Medyo personal na ang sa kanya ay banat
    Lahat ay kinalkal na, lahat ay binulatlat
    Pati ang pagiging autistic mga kritiko’y niladlad
    Buong pagkatao niya’y tuluyan ng winakwak
    Maging ang dangal niya’y walang awang winarak.

    Paano pa ang tanong kung siya ang mananalo
    Pakialamerang kapatid ba ang siyang magmamando
    Sa pagiging taklesa’y walang sinisino
    Hindi kaya mas lalong magiging magulo
    Kung silang muli ang uupo doon sa palasyo?

    Nakupo, ako ngayon ay hilong hilo na
    Hindi ko malaman pipiliin ay sino ba
    Nandiya’t nagbabalik ang idolo ng masa
    Nangangakong muli ng bagong pag-asa
    Paano tatanggapin kung sumablay noong una?

    Iboboto ba natin ang hawak ay bibliya
    Isang dating sa bundok ay matagal tumira
    Ano’ng pagbabago kaya itong hatid niya
    Kung dal’wang panginoon ang kinikilala
    Hindi kaya ikapu’t buwis ay biglang magsama?

    Environmentalist siyang nangakong magbibigay
    Ng mailap na pagbabago at buhay na matiwasay
    Pag-asensong aasahang walang pagkasablay
    Lahat daw ng ito ay nangakasalalay
    Sa kanyang masinop at mapagpalang mga kamay.

    Buhat siya sa angkan ng mga ‘merkano
    Mas piniling maging isang tunay na Pilipino
    Konsehal sa siyudad ng makasalanang ‘Gapo
    Umuumit ng tiwala upang siyang mamuno
    Puhunan niya’ kabataan at tunay na ideyalismo.

    Isang babaeng matapang, walang sinasanto
    Walang takot sa pagharap maging kahit sino
    Siya ba ang sagot na dapat na mangulo
    Upang matapos na ang lahat ng ito
    Kasagutan ninyo, ang sigaw ko’y saklolo!

  11. Magaling, magaling!

    Pareng Magno talagang napakahirap magitiwawa ngayon kung sino ang ilulukluk nating susunod na presidente. Mahirap na mapaso. Ang hirap mag-isip kahit sabihin pa natin select the lesser evil. Hindi nga natin kung sino sa kanila ang lesser ever.

    Saklolo, ito nga ang naiisip ng karamihan ngayon. Walang pinag-iba sa isang dalagang di makatulog magdamag sa kaiisip kung kanino niya ipagkakatiwala ang kanyang puso at kaluluwa.

    Salamant sa Panginoon at magaling ka na pareng Magno.

  12. Pareng Cocoy, hanggang ngayon marami pang tambay dito sa amin. Iyong iba ay tinanggal sa trabaho at naghahanap pa ng ibang mapapasukan. Iyong iba naman ay ayaw magahanap-buhay.

  13. Kumareng Chi, kumosta ka na kaibigan? Mukhang “naalibadbaran” ka yata sa bahay ni Big Brother Cocoy, hahaha.

    May sumulpot bang insekto roon?

  14. Kumosta po kayong lahat?

    May you all be blessed to the fullest this day.

    Mahal kayo ng ating Panginoon. Love one another daw as he loves us.

    Kaunting diperensiya ay magpasensiya na po hanggang maari di po ba?

  15. Kap,

    Matagal na akong naaalibadbaran sa apo ni Ungasis na yan, dun pa sa ET years back. Hindi ko na nga pinatulan sa CD kung saan tinarget niya ng husto si Magno, lumayas na lang ako. Pero hindi na ako nakapagtimpi sa PI dahil nagsisimula na naman ang paghahari-harian. Ayan, lumayas uli ako sa malaking bahay bahala na siyang mag-hari uli dun. Basta kung nasaan sya ay wala ako, hehehe.

    Nanghihinayang ako sa PI, ngayon na pumipik-up at maraming nagbabasa ay umentra na naman ang panggulo, nagpapansin na naman. Nakakawalang gana ang ganyan, hindi maka-contribute ng husto ang bloggers dahil sa inis.

  16. Kaps,

    Hindi pa naman ako gaanong magaling at patuloy pa rin ang pag-inom ng gamot at check up.

    Hindi ko lang maiwasan ang hindi makipag-ugnaayan at mag-ambag ng konting nakayanan.

    Maraming salamat sa inyong mga dasal.

    Mabuhay kayo!

  17. Hi Tito, ingat lang kayo.

    Sweet dreams tonight. Sana hindi ninyo mapanaginipan na nasa Malacanang Palace kayo at nakikipag-state dinner doon, hehehehe.

  18. Mer naman.

    Walang ganyanan. Baka bangungutin ako. Imadyinin ko lang na ang mga kaharap ko ay mga buwaya’t buwitre ay hihimatayin na ako, kahit panaginip lang ‘yun.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: